(Consolidation ng mga PUV) DEADLINE PINALAWIG NG 3 BUWAN

PINALAWIG ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang deadline para sa consolidation ng mga public utility vehicles bilang bahagi ng PUV modernization program.

Ayon sa Presidential Communications Office, ang Pangulo, sa rekomendasyon ni Transport Secretary Jaime J. Bautista, ay nagbigay ng karagdagang tatlong buwan hanggang Abril 30 para sa konsolidasyon ng mga pampublikong sasakyan.

Ang extension na ito ay para bigyan ng pagkakataon ang mga nagpahayag ng intensyon na pagsamahin ngunit hindi ginawa sa nakaraang cut-off.

Samantala, una ng nagpahayag ang mga jeepney drivers at operators na hindi nakapag-consolidate na handang makipagsapalaran kahit hulihin sa pagdating ng deadline.

Handa umanong makipagsapalaran ng pagpasada kahit makulong ang mga tsuper at operators  sa oras  na mahigpit na ipatupad na sa Pebrero 1 ang panghuhuli sa mga magmamaneho at operators ng umaabot sa 38,000 na jeepneys na ituturing nang illegal.

Ito ang pahayag ni Dionisio V. Bendoy, Vice President ng NOBLEBA (Novaliches,Blumentritt at Manibel)  sa panayam habang nagsasagawa ng mass actions ang mga tsuper, operators, at commuters  na kasapi ng NOBLEBA, Manibela, Piston at iba ibang transport groups sa harap ng House of Representatives sa Batasan, Quezon City. Sabi ni Bendoy, gagawin lamang aniyang gatasan ang mga kooperatiba ng mga promotor sa programa ng modern jeepney na ito.

Itinaon ng mga naturang grupo ang kanilang pagkilos habang isinasagawa sa pangalawang pagkakataon ang congressional inquiry ng House Committee on Transportation sa jeepney modernization program  na ito  ng pamahalaan. Ang naturang pagdinig ay pinamumunuan ng  Chairman nito na si Antipolo 2nd district Representative Romeo Acop kung saan tinatalakay ang “Resolution urging President Ferdinand R. Marcos Jr. to extend the deadline for the industry consolidation of the Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program until the government can come up with a concrete plan to address the major issues in the Program’s implementation.

Ma. Luisa Macabuhay-Garcia