LUMOBO ang construction activities sa bansa ng 16.7 percent sa third quarter ng taon, na nagpapakita ng pagtaas sa residential at non-residential building permits, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Base sa building permits na inaprubahan, sinabi ng PSA na ang kabuuang bilang ng construction noong Hulyo hanggang Setyembre ay umabot sa 42,111 mas mataas sa 36,076 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang bilang ng residential building na itinatayo ay nasa 30,638 mas mataas ng 16.8 percent sa 26,227 projects noong nakaraang taon.
Nagtala naman ng double-digit increases sa bilang ng residential condominiums sa 80.8 percent, apartment accessoria sa 29.9 percent at single-type houses sa 15.3 percent.
Pumalo sa 5,983 projects ang non-residential construction activities, mas mataas ng 14.4 percent sa 5,231 na naitala noong nakaraang taon.
Batay pa sa datos ng PSA, nagkaroon din ng pagtaas sa construction activities sa mga sumusunod na sektor: institutional buildings sa 1,330, mas mataas ng 37.8 percent; commercial buildings sa 3,630 mas mataas ng 13.9, percent; at agricultural buildings sa 249, mas mataas ng 7.8 percent.
Ang 10 nangungunang lalawigan pagdating sa dami ng construction projects na bumubuo sa 49.4 percent ng kabuuang proyekto ay ang Cavite, 4,367; Batangas, 2,677; Cebu, 2,432; Bulacan, 1,953; Laguna, 1,750; Fourth District ng NCR, 1,690; Negros Oriental, 1,689; Bohol, 1,638; Iloilo, 1,330; at Pampanga, 1,291.
Comments are closed.