CONSTRUCTION SITE GINAWANG DRUG DEN, 13 NASAKOTE

LABINTATLONG construction workers ang nadakip sa ikinasang anti narcotics operation ng Philippine Army intelligence team katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang construction sa loob ng Headquarters Philippine Army, Fort Bonifacio, Metro Manila na sinasabing ginawang drug den ang construction site ng mga ito.

Ilang heat sealed plastic sachets na naglalaman ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P100,000.00 ang nasamsam sa isinagawang buy-bust operation.

Katwiran ng mga nahuling construction worker, nag-aambag ambagan lamang sila para makabili ng shabu para mapanatiling alerto at aktibo sa kanilang trabaho.

Nabatid kay Philippine Army spokesman Col. Xerxes Trinidad, isinagawa ang pinagsanib na drug sting matapos ang halos isang buwang surveillance.

Isang tauhan ng PDEA ang nagpanggap na poseur buyer at nakapagsagawa ng bilihan ng droga sa mga suspek sa sinasabing drug den sa loob ng construction site.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang 13 suspek. VERLIN RUIZ