QUEZON – ISA ang patay at isa ang sugatan matapos banggain at araruhin ng isang truck na may plakang ABK-3062 ang isang tricycle na may plaka namang 335DV sa may Quirino Highway, Brgy. Sta Monica, bayan ng Tagkawayan.
Kinilala ng Tagkawayan-PNP ang nasawing biktima na si Simeon Tawat, 62-anyos, construction worker, at residente ng San Vicente ng nabanggit na bayan; sugatan naman ang driver ng tricycle na si Rudy Bataller, 25-anyos, at residente ng Brgy San Diego, bayan ng Tagkawayan.
Base sa report ng pulisya, bandang alas-9:00 ng gabi ng maganap ang aksidente at nawalan umano ng control sa manibela ang driver ng truck na si Abner Fernandez na residente ng Tambo Pamplona, Camarines Sur.
Sinalpok ng truck ang tricycle na naging sanhi ng malubhang pagkasugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ni Bataller na kasalukuyang ginagamot sa Maria L.Eleazar Memorial District Hospital.
Matapos araruhin ng truck ang tricycle ay diretso namang binangga at kinaladkad ng truck si Tawat at ibinangga sa nakaparadang heavy equipment grader habang ito ay kasalukuyang nagtatrabaho sa ginagawang kalsada sa lugar na nagresulta ng pagkahati-hati ng katawan ng biktima.
Kasalukuyang nakakulong sa PNP lockup jail ang driver ng truck at sinampahan na ito ng mga kasong RIR in homicide, physical injury and damage to property. BONG RIVERA
Comments are closed.