NAGPADALA na ng consular team ang embahada ng Pilipinas sa Warsaw, Poland upang umasiste sa mga Pinoy sa Lviv, Ukraine na posibleng maipit sa nagbabantang giyera roon.
Ang naturang hakbangin ay upang tiyakin ang pagbibigay ng agarang tulong sa mga Pinoy.
Ang consular team ay binubuo ng dalawang personnel ng Philippine Embassy, ang Consul at ATN officer na may koordinasyon Philippine Honorary Consulate General sa Kyiv, na dumating noong Huwebes at kaagad silang naglagay ng emergency contact base.
Magsasagawa rin sila ng monitoring sa sitwasyon ng Ukraine at laging makikipag-ugnayan sa mga Pinoy sa lugar.
Sa unang araw ng mission ng consular team ay ipinatupad ang repatriation flight sa ilang Pinoy na nasa Lviv patungong Maynila.
Nakipagkita rin ang team sa dalawang grupo ng mga Pilipino na pansamantalang naka-relocate sa area ng Lviv mula sa Kyiv para sa precautionary measure.
Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang naturang team sa Department of Foreign Affairs (DFA) Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs at Philippine Honorary Consulate General sa Kyiv para sa pag-aayos ng repatriation sa mga Pinoy na nasa Ukraine. LIZA SORIANO