CONSUMER, BUSINESS CONFIDENCE BUMAGSAK DAHIL SA COVID-19 PANDEMIC

BSP-12

BUMABA ang consumer confidence sa isang record low sa third quarter habang ang business sector sentiment ay nagtala ng negative performance sa unang pagkakataon sa loob ng 10 taon, ayon sa latest survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Batay sa resulta ng Consumer Expectation Survey (CES), ang  overall confidence index (CI) ay sumadsad sa record low na -54.5%  noong Hulyo hanggang Setyembre.

Ito ang pinakamababang CI magmula nang isagawa ang nationwide surveys simula sa first quarter ng 2007.

“A positive index indicates that the optimists outnumbered the pessimists, while a negative index signifies that pessimists out-numbered optimists,” ayon sa BSP.

Samantala, sa resulta ng  Business Expectations Survey (BES) ay lumabas na ang overall confidence index (CI) ay bumagsak sa -5.3% sa naturang quarter.

Ito ang unang negative CI makaraang magposte ng 43 quarters na positive confidence magmula nang maitala ang  index sa -2.6% sa third quarter ng 2009.

“This is expected considering the effects of COVID-19 on business,” wika ni BSP governor Benjamin Diokno sa isang virtual briefing.

Pangunahing dahilan ng negative sentiment ng mga consumer ang pandemya. Ang iba pa ay ang mataas na unemployment rate, mababang bilang ng nagtatrabahong miyembro ng pamilya, mababa at nabawasang income, at mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Para sa mga negosyo, ang pesimismo ay nagmula sa epekto ng quarantine restrictions, pagbagsak ng orders at  sales, at pagbagal o temporary shutdown sa operasyon.

Comments are closed.