INILUNSAD ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang isang contact system provider na gagamitin sa pagkuha ng mga data galing sa airlines, katulad ng pagtanggap ng online complaints, pag-file ng online applications para sa flight schedule at maging sa mga air traveller sa tamang oras ng pag-alis.
Ang tinutukoy na system ay nabuo ng CAB sa pamamagitan ng Dynamic Outsource Solution Inc. (DOS-I) at pinatatakbo ito ng Electronic Document Management System (EDMS).
Ayon sa impormasyon na ipinalabas ng CAB, ang features nito ay 24/7 sa approval of flight applications at napakabilis ang transactions kung ikukumpara sa dating ginagamit.
Napag-alaman na kasama rin sa system na ito ang Air Passenger Bill of Rights lalo na sa mga flight delay kung saan makararating agad sa kaalaman ng mga pasahero kung may babayaran ang airlines sa mga mangyayaring delay sa flight.
Ang nasabing proyekto ay naisakatuparan bilang pagsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang mapadali ang business transactions sa gobyerno at maisulong ang people empowerment.
Bukod sa binabanggit na system ay bumuo rin ang CAB ng Passenger Right Assistance Desks (PRAD) na ipatutupad sa buong bansa. Ito ay may kinalaman sa mga nakawan ng mga bagahe at iba pang irregularities na nangyayari sa Ninoy Aquino International Airport at commercial airport facilities sa bansa.
Ayon kay CAB Executive Director Carmelo Arcilla, nakapaloob sa 2012 Air Passenger Bill of Rights (APBR) na makakakuha ng damages ang bawat pasahero sa mga mawawalang bagahe at insurance coverage.
Sinabi ni Arcilla na sa kasalukuyan ay umaabot na sa 132 Passenger Rights Assistance Officers (PRAOs) ang itinalaga ng kanilang opisina sa iba’t ibang airport sa bansa, na nagmo-monitor sa mga operasyon ng airline companies sa buong bansa. F MORALLOS
Comments are closed.