IMINUNGKAHI ng World Health Organization (WHO) ang pagpapalakas ng contact tracing sa halip na magpatupad muli ng mas mahigpit na lockdown.
Ito ay kasunod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Filipinas.
Ayon kay WHO Philippine Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe, mahalagang magkaroon ng epektibong contact tracing para matukoy kung saan nagmula ang transmission ng naturang virus.
Sa pamamagitan nito, malilimitahan ang galaw ng tao sa isang partikular na lugar upang hindi na ito makapanghawa sa iba.
Samantala, pinag-aaralan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang paggamit ng isa pang teknolohiya para sa mas mabilis na paglabas ng resulta ng COVID-19 test.
Tinukoy ni Cabinet Secretary at IATF co-chairman Karlo Nograles ang Antigen test technology.
Maaari aniyang lumabas ang resulta ng COVID-19 test sa antigen sa loob lamang ng 30 minuto kaya’t mas mabilis na maaabot ng pamahalaan ang target na mahigit sa 30,000 COVID-19 tests araw-araw.
Naniniwala rin si Nograles na mas epektibo ang antigen kaysa sa rapid test na kasalukuyang ginagamit ngayon sa COVID-19 tests.
Kung sa rapid testing ay sinusuri ang antibodies bilang indikasyon lamang na positibo sa virus ang pasyente, sa antigen ay isang bahagi ng COVID-19 virus ang nade-detect.
$2B INILAGAK NG US PARA SA BAKUNA VS COVID
NAGLAGAK ng halos $2 bilyon ang Estados Unidos sa Pfizer at German Biotechnology Company para sa mas mabilis na pag-develop ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Isa lamang ito sa proyekto ng Estados Unidos sa ilalim ng warp speed project upang makauna at mabilis na makapag-distribute ng bakuna.
Ganito rin ang ginagawa ng Europe na naglagak na rin ng pondo sa Curevac, isang German firm na una nang hinikayat ni US President Donald Trump sa pag-asang mauuna ang US kapag nakagawa ito ng bakuna. DWIZ882
Comments are closed.