DAHIL sa paglobo ng confirmed COVID-19 cases sa bansa, ginawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga shipping containers na mobile health facilities bilang tulong sa Department of Health (DOH) sa kinakaharap nitong krisis.
Ayon kay DPWH Secretary Mark A. Villar, isang prototype health facility ang nai-convert ng DPWH National Capital Region (NCR) na maaring gamitin ng DOH sa mga suspected at confirmed COVID-19 cases.
Ito rin ay bilang paghahanda para maiwasan ang pagkalat ng sakit na ito habang sumasailalim ang Luzon sa enhanced community quarantine.
Sa kasalukuyan, ang DPWH Task Force ay naghahanda ng isang design o plano ng apat na high cube containers na 40 feet ang haba, 8 feet ang lapad at 9 feet ang taas na gagawin bilang mobile field hospitals para sa mga pasyente ng COVID-19.
Ayon sa plano, ang isang 40-footer shipping container ay hahati-hatiin sa apat na kwarto, ito ay batay sa guidelines o recommendation ng DOH, at anila ito ay may proper ventilation, toilet at paliguan ng COVID patient.
Gumagawa rin ng design ang DPWH ng high cube shipping containers bilang mga nurse station, utility room, at separate temporary quarters ng babae at male nurses.
Dagdag pa ni Villar ang hakbang na ito ay batay sa Bayanihan to Heal as one Act upang labanan ang health crisis sa bansa at bilang pag-sunod sa kautusan ni Presidente Rodrigo Roa Duterte. FROILAN MORALLOS