‘CONTEMPT POWER’ NG  KONGRESO

Rep-Rodolfo-Fariñas

NAGPAABOT ng kanilang lubos na pasasalamat ang liderato ng Kamara de Representantes sa ipinalabas na desis­yon ng Supreme Court (SC), na isa sa nilalaman ay ang pagkilala nito sa ‘contempt power’ ng Kongreso.

Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas, sa simula pa lamang ay nani­nindigan na sila na ang lahat ng kanilang ginagawa ay naaayon sa itinatakda ng batas at hindi sila nagmamalabis sa kanilang kapangyarihan.

Ang tinutukoy ng ranking house leader ay ang pagbasura ng SC sa petisyon na inihain ng Ilocos Norte provincial government na humihi­ling na ipawalang-saysay ang kautusan ng House Committee on Good Government na pagpapa-contempt at pagkakulong sa anim na opisyal ng nasabing probinsiya.

“Like I had advised the provincial government officials during the hearings, our actions were all supported by the law and juris-prudence on the matter. It is unfortunate that they chose to commit such contumacious acts that led them to be cited in contempt and to be detained until they purged themselves of such contempt,” giit pa ng mambabatas.

Magugunita na Mayo 29 ng nakaraang taon nang ipag-utos ng nabanggit na komite ang pagkulong kina Provincial Planning and Development Office Head Pedro Agcaoili, Provincial Treasurer Josephine Calajate, Provincial Accountant Eden Battulayan, Provincial Budget Officer Evangeline Tabulog at Provincial Treasurer’s Office staff Encarnacion Gaor at Genedine Jambaro.

Ito’y makaraang tumanggi sila na sagutin ang mga katanungan sa kanila ng komite kaugnay sa paggamit ng provincial tobacco funds para bumili ng iba’t ibang klase ng mga sasakyan kung saan umabot ng halos dalawang buwan ang kanilang pagkaka-detain sa Batasan Complex.

Sa nasabing SC ruling, nakasaad ang pagbasura sa omnibus petition for habeas corpus, prohibition, injunctive relief, and Amparo laban kay Fariñas at iba pang bumubuo sa House Committee on Good Government and Public Accountability kaugnay sa contempt order na ipinataw nila sa grupo nila Agcaoli.

“The prohibition aspect finds no justification as the Court found no grave abuse of discretion on the part of respondents; and the writ of Amparo will not lie as there is no legal or factual justification,” ayon pa sa desisyong ito ng SC.    ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.