TINANGGAL na ng House Quad Committees ang contempt orders ng Lucky South 99 representative na si Cassandra Ong kasama sina dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, Chinese businessman Tony Yang at ilang mga witness na kasama sa kanilang imbestigasyon.
Isinagawa ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano ang mosyon sa pagtatapos ng mega panel na 13th hearing Huwebes ng gabi.
Inaprubahan ng Quad Comm ang mosyon sa pamumuno ni chairperson Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers at ito ay inaprubahan din ng ibang mambabatas.
Ibinahagi ni Paduano ang apela ni Ong na nakapiit ngayon sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Sinabi umano ng kanyang doktor na hindi ito makadadalo dahil sa dinaramdam na sakit.
Nakatanggap din sila ng impormasyon mula sa pagsusuri ng psychiatrist na dumaranas si Ong ng depression dahil sa pinagbawalan itong makalabas.
Pumirma na rin si Barbers na nag-uutos sa CIW na pakawalan na si Ong dahil sa tapos na ang isinagawa nilang imbestigasyon.
Magugunitang na-contempt si Ong ng tatlong beses ng mega panel nang hindi ito dumalo sa pagdinig, pangalawa ay noong Setyembre 19 kung saan nagsinungaling ito sa kanyang edukasyon at ang huli ay noong Oktubre 23 nang hindi ito nagsumite ng mga dokumento.