CONTINGENCY PLAN KASADO NG SIMBAHAN

Jayson Siapco

NAGHANDA  na ng contingency plan ang Simbahang Katolika partikular ang Archdiocese ng Lipa, Batangas sakaling mas lumala pa ang sitwas­yon ng Bulkang Taal.

Ito ang inihayag ni Fr. Jayson Siapco ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC),  pitong araw makaraan ang pagliligalig ng bulkan na nagsimula noong Linggo.

“Naghahanda na rin kami at meron na rin kaming mga contingency plans para sa sunod na phase if ever na sumabog ng malakas at kung hindi man la­ging may recovery phase at rehabilitation program ang archdiocese para sa mga nasalanta, survivors natin,” ani Fr. Siapco.

Bukod sa simbahang Katolika, inihayag din ni Fr. Siapco na tatlo pang faith denomination ang nagbukas ng kanilang mga pinto para sa evacuees ng Batangas, gayundin ang mga privately owned resort na nagpatuloy ng kanilang mga kababayan.

Hiling ngayon ni Fr. Siapco sa mga nais na magdonate ay gamot, toiletries, banig at kumot dahil na rin sa dami ng mga tao lalo na sa mga evacuation centers.

Inihayag pa ni Fr. Siapco na bukod sa relief operations, kabilang din sa ginagampanan ng LASAC ang pangangaila­ngan espirituwal ng evacuees maging ng  volunteers.

Sinabi pa ni Fr. Siapco, tuwing alas-11 ng umaga ay may misa ring ginaganap sa evacuation centers ng pina­ngasiwaan ng LASAC.

Sa pinakahuling tala, may 142 libong katao na ang bilang ng evacuees na nasa 439 evacuation center. PAUL ROLDAN

Comments are closed.