POSITIBO si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Dionardo Carlos na magiging maayos ang pagtugon sa tungkulin ang police force para matiyak ang ligtas, mapayapa at may integridad na halalan sa Mayo 9.
Ito ay kahit pa nagretiro si Carlos, isang araw bago ang halalan dahil narating na nito ang mandatory age of retirement na 56 sa Mayo 8.
Ginawa ni Carlos ang pahayag nang sagutin ang tanong ng media kung may farewell visit pa ito gayung ilang araw na lamang ang nalalabi sa kanyang retirement.
“Wala nang farewell visit, nakapag-ikot na ako sa lahat ng region except sa Region 2 dahil walang malalapagan ang eroplano, kasabay ng pagtungo sa iba’t ibang probinsya ay naglatag na kami ng contingency plan at iyon ang susundin,” ayon kay Carlos.
Sinabi ni Carlos na noon pa man ay nasa kalendaryo na nila ang May 9 elections, sa bawat bisita niya ay nagsagawa na sila ng briefing lalo na’t tuwing eleksyon naman ay PNP ang deputized ng Commission on Elections para matiyak ang seguridad sa nasabing political event.
Aniya, nakalatag na lahat at pinapraktis na ng kanilang mga tauhan ang contingency plan na hanggang Hunyo 30 na ang kanilang inihanda at ang mamamahala ay si PNP Director for Operations Maj. Gen, Val De Leon.
Sa usapin naman ng deployment, ibinida ni Carlos na bihasa na ang pulis sa mabilisang deployment kaya wala siyang pangambang maisasagawa nang maayos ang kanilang tungkulin.
“We made contingency planning up to June 30, sanay na kami sa movement at preparations papraktisin na lang para sa ligtas na eleksyon, halimbawa niyan itong katatapos na Duterte Legacy caravan na dalawang linggo na naming ginagawa at tagumpay naman, “ dagdag pa ni Carlos. EUNICE CELARIO