ISA sa mga bagay na lubhang apektado ng nararanasang climate change at El Niño ay ang suplay ng tubig sa ating mga gripo. Nagsimula na ang pagkakaroon ng mga water service interruptions o pagkaputol ng suplay ng tubig sa maraming lugar sa bansa dahil sa kakulangan sa suplay. Kaya naman napapanahon ang ginagawang pagbusisi ng senadorang si Grace Poe sa mga isyu patungkol dito.
Ayon sa senador, nais niyang ipaliwanag ng mga concessionaires na Maynilad at Manila Water kung ano ang kanilang short-term at long-term plans tungkol sa suplay ng tubig sa bansa. Tama nga naman ito dahil hindi pwedeng walang matinong plano ang mga nabanggit na kumpanya lalo na’t tumitindi ang init at krisis sa tubig na nararanasan hindi lamang dito sa bansa kundi sa maraming bahagi ng mundo.
Ang unang pagdinig ay magaganap sa pagbubukas muli ng Senado sa bandang dulo ng buwan ng Hulyo. Dapat umanong mayroong contingency plan ang Manila Water, Maynilad, at pati na ang MWSS. Hindi umano sapat na solusyon ang pagrarasyon ng tubig; tinawag niyang primitibo ang “solusyon” na ito at kailangan umanong repasuhin ang prangkisa ng mga kumpanyang ito sa lalong madaling panahon. Malaki rin umano ang pagkukulang ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS bilang regulatory body na tinawag ng senadora na inutil pagdating sa tungkulin nito. Aniya, “Kulang ang tubig dahil hindi natin nade-develop ang imprastraktura ng tubig.”
Isa sa nakikitang solusyon ng senador ay ang pagkakaroon ng Department of Water Resources upang matutukan ang lahat ng aksyon ng gobyerno patungkol sa krisis sa tubig.