KINUMPIRMA kahapon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na kinansela nito ang resolution na nagpapalawig sa concession agreements sa Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Company Inc.
Sa pagpapatuloy ng House joint hearing sa mga isyu na kinakaharap ng dalawang water firms, sinabi ni MWSS Deputy Administrator Leonor Cleofas na pinawalang-bisa na ng board of directors noong nakaraang Disyembre 5 ang contract extension ng Maynilad at Manila Water sa 2037. Ang mga kontrata ay mapapaso na ngayon sa 2022.
“During the December 5 board meeting, the board tackled, [based on the directive of the President] and the Cabinet meeting…first was the onerous provisions and second, was [the decision] to rescind the memorandum of agreement on the extension of concession agreements,” pahayag ni Cleofas sa pagdinig na isinagawa ng House committees on good government at public account-ability.
Ayon kay MWSS Acting Deputy Administrator for Financial Regulation Area Chris Chuegan, posibleng ipa-rebid o isagawa ang bidding sa iba pang potential operators sa panahon ng kanselasyon.
“If the contract will be cancelled by 2022, there will no longer be a price adjustment..hindi po clear kung tataas po ang presyo dahil ‘pag natapos ang kontrata puwedeng ipa-rebid or magkaroon ng bagong bidding wherein new operators will come in. Wala nang pagkakataon para mag-recompute kasi tapos na po ‘yung huling rate rebasing which is 2018,” paliwanag ni Chuegan.
Subalit para sa dalawang water firms, ang adjustment sa water rates ay maaaring maging napakataas dahil sa revocation.
“We are still computing but definitely it will go very high because the rationale of the extension at the time was to mitigate the spike in tariffs,” wika ni Maynilad President Ramoncito Fernandez.
“Kailangan rin pong ma-recompute sapagkat hindi po naaayon sa previous discussions,” sabi naman ni Manila Water former President Tony Aquino.
Ang concession deals ay mapapaso na sana sa 2022 sa ilalim ng orihinal na kasunduan subalit na-extend ang mga ito sa 2037 sa administrasyon ni dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.
Gayunman, sinabi ni Fernandez na ang pagkansela sa board resolution ay isang mabigat na bagay, lalo na’t kahapon ng umaga lamang, aniya, sila naabisuhsan sa pinawalang-bisang resolution.
“Ngayong umaga lang po namin tinanggap ‘yang board resolution but we would like to react that it is with very grave concern that we view this action and we believe also that it is not proper to unilaterally revoke the agreement,” ani Fernandez.
Samantala, inamin ng MWSS na hindi nila kakayanin kapag nawala ang dalawang water firms dahil may isang daang empleyado lamang sila na maaaring umako sa trabaho.
Iginiit ng mga opisyal ng Maynilad at Manila Water na nakahanda silang makipag-usap sa pamahalaan para amyendhan ang concession agreement.
Nitong Martes ay nagkasundo ang dalawang kompanya na ibalam ang water rate hike na nakatakda sa Enero 2020.
Sinabi rin ng Maynilad at Manila Water na hindi na nila pagbabayarin ang pamahalaan ng ₱10.8-billion na arbitral ruling ng Singapore Permanent Court of Arbitration na inilabas noong Nobyembre. CNN PHILIPPINES
Comments are closed.