NOONG Hulyo 5 ay inanunsiyo ni Presidential Spokesperson na tagapagsalita rin ng Inter-Agency Task Force (IATF), Harry Roque, na ang convalescent plasma therapy bilang adjunctive therapy ay pinag-aaralan na ng University of The Philippines- Philippine General Hospital (UP-PGH) at napondohan na ng Department of Science and Technology (DOST).
Ang proyektong ito ay tinawag na “Convalescent Plasma Therapy as Adjunctive Therapy for Hospitalized Patients With COVID-19”.
Ito ay naglalayon na alamin ang epekto nito sa pagsugpo at makatulong upang maiwasan ang disease progression sa mga taong dinapuan ng COVID-19.
Ano nga ba ang Convalescent Plasma Therapy at ano ang mekanismo ng epekto nito sa mga sakit kaya ito ay binigyan ng consideration ng ating gobyerno?
ANG IGG AT IGM
Ang taong nakarekober sa coronavirus ay natural na nagpro-produce ng antibodies na may dalawang klase, ang Immunoglobulin M (IGM) na sumusugpo sa recent infection, at ang Immunoglobulin G (IGG) na nananatili sa katawan ng isang tao bilang isang pananggalang upang masugpo at mapigilan na mahawa muli nito.
Ang dalawang immunoglobulin na nabanggit ay matatagpuan sa “plasma” na isang component ng dugo ng tao.
Ang dugo ng isang taong nakarekober sa COVID-19 ay kinukuha ng isang kuwalipikadong medical personnel, at ang plasma nito ay hinihiwalay at binibigay sa isang tao na tinamaan ng nasabing sakit..
Ang Convalescent Plasma Therapy ay matagal ng ginagamit sa mga infectious diseases, ito ay nagamit na sa mga sakit na H1N1 influenza virus pandemic, 2003 SARS-CoV-1 epidemic, 2012 MERS CoV epidemic, Diptheria noong taong 1895, at measles noong 1934.
Ito ay ibinibigay sa isang taong critical o severe na may sakit na COVID-19 at ito ay ipinapadaan sa ugat ng isang tao ng isang lisensyadong doctor na eksperto rito, sa loob ng isang ospital.
Ito ay nagbibigay ng “Passive Immunity” sa mga pasyenteng mabibigyan, dahil sa mga “Neutralizing Antibodies” na taglay nito.
Ang pagbibigay ng Convalescent Plasma lalo na sa mga unang araw ng infection ay maaring makatulong sa isang pasyente upang ang pagsira ng virus sa mga vital organs ng katawan ay maiwasan.
Maaari rin nitong mabawasan ang severity ng isang sakit at mapaikli ang araw ng epekto ng COVID-19 sa katawan.
Ang ilan sa mga side effects na maaring dulot ng Convalescent Plasma Therapy ay Allergic Reactions, Transfusion- Associated Circulatory Overload (TACO) at Transfusion Associated Acute Lung Injury (TRALI) (source: American Society of Hematology: Covid 19 and Convalescent Plasma; June 8, 2020). Kaya naman ang pagsasagawa nito ay dapat regulated at supervised ng mga doctor na may experience at specialty upang gawin ito.
Sa ngayon, wala pang dokumentadong epekto ang Convalescent Plasma sa sakit na C19, kaya naman tayo ay umaasa sa magandang resulta ng pag-aaral tungkol dito.
o0o
Kung may katanungan maari pong mag-email sa samuelzacate@yahoo.com o i-like ang fan page na medicus et legem sa Facebook- Dr. Samuel A. Zacate.
Comments are closed.