CONVERGE KINUHA SI HEADING MULA SA TERRAFIRMA KAPALIT NG 2 PLAYERS, DRAFT PICK

BATID nina coach Franco Atienza, Charles Tiu at Rajko Toroman ang malaking maitutulong ni Jordan Heading para sa Converge.

Kaya naman kinuha ng Converge si Heading mula sa Terrafirma sa pag-trade kina guard Aljun Melecio, Keith Zaldivar at sa kanilang first round pick sa Season 51 sa Dyip.

Si Heading ay pinili ng Terrafirma sa Season 47 Gilas Special Draft subalit kailanman ay hindi naglaro para sa Dyip.

Sa halip ay dinala ng Fil-Aussie, halimaw sa outside shooting, ang kanyang talento sa ibang bansa sa paglalaro sa Japan, Taiwan at Australia.

Ang pagkuha kay Heading at ang napipintong pagdating ni No. 1 rookie pick Justine Baltazar, na nakatakdang samahan ang Converge sa pagtatapos ng kanyang kampanya sa Pampanga sa MPBL ay inaasahang magpapalalim sa roster ng FiberXers, na nakapasok sa playoffs ng katatapos na Governors’ Cup.

Ang huling overseas stint ng dating Gilas Pilipinas pool member ay sa West Adelaide Bearcats sa NBL1 noong nakaraang season kung saan may average siya na15.5 points, 3.6 rebounds, at 3.8 assists. CLYDE MARIANO