CONVERGE WALA PANG NAPUPUSUAN PARA SA NO. 1 PICK

pba pick

ANG ilan sa mga prominenteng pangalan na nasa PBA draft list. PBA PHOTO

NAHAHARAP ang Converge sa tinawag ng head coach nito na ‘good problem’ sa PBA Rookie Draft kung saan ang three-year franchise ang nagmamay-ari ng top overall pick.

Inilabas na ng liga ang official list ng rookie prospects nitong weekend kung saan may kabuuang 70 players ang nag-apply para sa draft.

Hitik sa young talents at  Fil-foreign players, si Aldin Ayo at ang kanyang coaching staff ay nagde-deliberate ngayon sa kung sino ang karapat-dapat na piliin bilang no. 1 overall pick ng Season 49.

“It’s a good problem to have. Me, the coaching staff, and management have to think about it really hard,” pahayag ng champion coach.

Kabilang sa mga kilalang pangalan na nasa draft list sina RJ Abarrientos, Justin Baltazar, Sedrick Barefield, Caelan Tiongson, CJ Cansino, Dave Ildefonso, Mark Nonoy, Kai Ballungay, Evan Nelle, Pao Javillonar, at Peter Alfaro.

Noong nakaraang taon ay kinuha ng Terrafirma si Stephen Holt bilang no. 1 overall pick sa Season 48 draft na umakit ng record na 128 applicants.

Isang Draft Combine ang gaganapin sa July 10-11 sa Ynares Sports Arena sa Pasig, na ang resulta ay magdedetermina sa opisyal na bilang ng players na eligible para sa July 14 draft sa Glorietta sa Makati.

Ang Blackwater ang pangalawang pipili, kasunod ang Terrafirma, Phoenix at  NorthPort.

Nasa no. 6 ang NLEX na susundan ng dalawang picks ng Rain or Shine sa seventh at  eighth, at Magnolia at Barangay Ginebra.

Tangan ng Meralco at San Miguel ang no. 11 at 12 slots, ayon sa pagkakasunod, upang tapusin ang  first round proceedings.

CLYDE MARIANO