LAGUNA – MATAPOS ang limang taon na pag-iwas sa ibinabang hatol ng korte sa isang convicted rapist ay naaresto ito ng pinagsanib na puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Philippine National Police Region 4A sa Pacita 2, San Pedro.
Sa ulat na ibinahagi ni PNP-NCRPO Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar, 2016 ay hinatulang guilty sa kasong panggagahasa si Radden Argomido, 36-anyos.
Nabatid na Pebrero 2013 pa nang halayin ni Argomido ang isang 22-anyos na babae sa Laguna.
Disyembre 2017, nag-post pa sa social media ng selfie ang suspek at ginawa pang background ang mga pulis upang inisin ang mga biktima kung saan ay nag-viral pa ito.
Noong Enero 2018, namataan ng 66-anyos na ama ng biktima ang suspek sa Los Baños, Laguna at kinompronta ito.
Subalit, siya ang pinagbalingan at inundayan ng 15 saksak. Himala namang nabuhay ang biktima.
Nadagdagan ng kasong frustrated murder si Argomido.
Sa NCRPO headquarters, nagkaharap ang mag-amang biktima at ang suspek.
Ibinigay na ang suspek sa kustodiya ng Los Baños PNP. VERLIN RUIZ
Comments are closed.