(Convoy patungong WPS nakakasa na) PINAKAMALAKING NAVAL BLOCKADE NG CHINA NAKAAMBA

NAKATAKDANG maglayag ang ilang sibilyan lulan ng mga civilian sea vessel sa West Philippine Sea sa ikalawang pagkakataon para mamahagi ng tulong sa mga mangingisdang Pilipino na namamalakaya sa ilang bahagi ng karagatan na inaangkin ng China.

Inihayag kahapon ng Atin Ito Coalition, hindi sila matitinag kahit pa buntutan ng mga sasakyang pandagat ng China.

Ayon sa organizers ng grupo, determinado silang ituloy sa ikalawang pagkakataon ang kanilang convoy papuntang sa mga na pinag-aagawan teritoryong saklaw ng West Philippine Sea na nakapaloob sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Ito ay sa gitna ng mga ulat na namataan ang inihahandang malaking naval blockade ng China para harangin ang convoy.

Target ng convoy na makapaghatid ng pagkain at fuel sa mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc sa Panatag, at Scarborough Shoal).

Inihayag ng analyst at maritime expert na si Ray Powell, Director ng Sealights isang maritime transparency initiative ng Gordian Knots Center for National Security Innovation na base sa kanilang monitoring ang China ay nakatakdang magpadala ng apat na coast guard at 26 large maritime militia ships para harangin ang Atin Ito convoy.

Nagbabala si Powell na determinado ang China na agresibo itong igiit ang kanilang claims sa nasabing “ shoal” sa pamamagitan ng largest blockade na namataan sa Scarborough.”

Nabatid na base sa inisyal na impormasyong ibinahagi ni Atin Ito Coalition Co-convener Rafaela David, tinatayang nasa “200 participants” ang sasali na magmumula sa iba’t ibang lugar papuntang Bajo de Masinloc, isang traditional fishing ground ng mga Pilipino subalit mahigpit nang binabantayan ngayon ng China Coast Guard at militia vessel patrols na nagtataboy sa mga Pilipinong mangingisda.

“We will sail with determination, not provocation, to civilianize the region and safeguard our territorial integrity,” ani David.

Kaugnay nito, nakikipag ugnayan na din ang grupo sa National Task Force on West Philippine Sea para sa gagawin nilang paglalayag patungong Bajo de Masinloc. VERLIN RUIZ