SI PATRICK Coo (kaliwa) kasama sina gold winner Komet Sukprasert ng Thailand at bronze medalist Shimada Ryo ng Japan.
NASIKWAT ni Patrick Bren Coo ang silver medal sa 2024 Asian Cycling Confederation BMX Championships sa Thailand upang lalo pang pagtibayin ang kanyang rising potential sa discipline.
Ang silver medal na kanyang nakopo sa Kamol Sports Park sa Nong Chok noong Biyernes ay dumating matapos ang kanyang men’s elite bronze medal noong nakaraang taon sa Hangzhou Asian Games at gold medal na kanyang nasungkit bilang isang junior rider sa 2019 Asian championships sa Malaysia.
“I’m so blessed and I’m happy that all my hard work are paying off,” sabi ng 22-year-old na si Coo, isang Olympic Solidarity scholar na ginugol ang malaking bahagi ng taon sa UCI World Cycling Center sa Aigle, Switzerland, para sa kanyang pagsasanay.
Tumapos si Coo sa likod ni Thailand’s BMX ace Komet Sukprasert, na nakopo ang kanyang ikatlong sunod na Asian championships gold medal habang naghahanda para sa Paris Olympics.
Kinumpleto ni Shimada Ryo ng Japan ang men’s elite podium ng championships na nilahukan ng mahigit 500 atleta sa Asia.
“My congratulations to Patrick, he’s been working hard and his dedication and passion for BMX is getting stronger each day,” sabi ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino, na siya ring head ng national association for cycling, PhilCycling.
Pinasalamatan ni Coo si Tolentino at ang Philippine Sports Commission para sa kanilang malawakang suporta sa kanyang kampanya na nakatuon sa 2028 Los Angeles Olympics.
CLYDE MARIANO