SINIMULAN ni Patrick Bren Coo ang kanyang kampanya na mag-qualify para sa kanyang unang Olympics sa Paris 2024 sa silver medal finish sa Indonesia BMX 2023 Round 1 sa Pulonas International BMX Center sa Jakarta noong Linggo.
“It was very, very close to the gold, but it’s racing,” pahayag ni Filipino-American Coo, ang Asian Juniors champion noong 2021. “But it’s racing, you know what it is.”
Inangkin ni Gusti Bagus Saputra ng Indonesia ang gold sa 33.919 seconds, habang tumapos si Coo na mas mabagal ng .20 seconds, at isa pang Indonesian, si Rio Akbar, ang nagkasya sa bronze na may oras na 34.346.
Labing-isang riders ang kumarera sa finals kung saan lima pang Indonesian riders ang nag-qualify, dalawa sa South Korea at isa sa Thailand.
Nahirapan ang mga foreign rider sa mainit na panahon kung saan idinaing ng mga atleta at coach mula sa foreign teams ang maikling break sa pagitan ng motos at ng quarterfinals at finals.
“It was so hot and was super hard to cool down,” sabi ni Coo.
“We were given only some 15 minutes break in between races, unlike in other races and in the US where there are breaks are one hour or more.”
Nakakuha si Coo ng 86 International Cycling Union points mula sa possible 100 points.
Susunod na sasabak si Coo, na ang pamilya ay Ilonggo, sa Thailand BMX Cup 2— isa ring C1 UCI race na nag-aalok ng ranking points tulad ng Jakarta event— sa March 19.
Umaasa sina Coo at Daniel Caluag na mag-qualify para sa Paris Olympics.
CLYDE MARIANO