MAKATI CITY – PATAY ang isang rider matapos na ito ay ma-hit-and-run ng isang kotse habang ito ay nag-susuot ng kapote kahapon ng madaling araw sa Makati City.
Dead on arrival sa Makati Medical Center (MMC) ang biktimang si Romeo Entrina Lupida Jr., 23, binata, isang cook, taga-Dagat Dagatan, Malabon City, matapos na ito ay magtamo ng matinding pinsala sa katawan.
Nakikipagtulungan naman ang Makati City police sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung nahagip ng kanilang CCTV camera ang sasakyan ng suspek na Mazda Sedan na nakabundol at kumaladkad sa biktima.
Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente dakong 3:10 kahapon ng madaling araw sa West bound lane ng McKinley Road malapit sa harapan ng Manila Polo Club Gate, Brgy. Forbes Park.
Nabatid na naka-stationary position ang minamanehong Suzuki motorcycle ng biktima sa outer lane ng naturang lugar at kinuha ang kapote sa likod ng kanyang motorsiklo upang isuot.
Hindi nito namalayan ang pagsulpot ng isang sedan na nagmula naman sa area ng BGC.
Dahil sa mabilis ang kotse ay na-hit and run ang biktima at nakaladkad ito ng may 20 metro.
Kaagad namang isinugod ng rescue team ang biktima sa nabanggit na ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng Makati City police ang naturang aksidente at inaalam pa ang pagkaka-kilanlan ng suspek. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.