COOL SMASHERS HATAW SA PVL OPEN

PVL

DUMAAN sa butas ng karayom ang Creamline bago nasupil ang determinadong Black Mamba Army sa dikdikang duelo na nagpatatag sa title-retention campaign ng Cool Smashers sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference Huwebes ng gabi sa PCV Socio-Civic Cultural Center  sa Bacarra, Ilocos Norte.

Halos mapugto ang hininga ng bawat isa sa hatawan, sigawan at labanan sa net sa kabuuan ng five-setter match, ngunit higit na pinalad ang Cools Smashers sa krusyal na service play at depensa tungo sa 20-25, 25-15, 25-27, 25-19, 15-13 panalo at makopo ang solong pangunguna sa kauna-unahang volleyball league sa bansa.

Hindi man kasing glamorosa ng Creamline ang lineup ng Army, nagpamalas ng katatagan ang Lady Troopers, at dinala ang laro sa klasikong labanan at nagawang makuha ang 9-3 bentahe sa final set.

Kipkip ang malawak na karanasan, umarya ang top players ng Cools Smashers na sina Michele Gumabao, Tots Carlos, Jeanette Panaga at Alyssa Valdez para makumpleto ang come-from-behind win.

Nauna rito, naungusan ng BaliPure ang liyamadong Chery Tiggo, 19-25, 25-19, 13-25, 27-25, 15-12.

Matapos ang set loss sa Lady Troopers nitong Martes, nakabawia ng Bali Pure para makisosyo sa Petro Gazz Angels at Cignal HD Spikers na may 1-1 karta.  EDWIN ROLLON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *