Mga laro bukas:
(Philsports Arena)
4 p.m. – Kurashiki vs Cignal
6:30 p.m. – PLDT vs Kinh Bac Bac Ninh
NALUSUTAN ng Creamline ang isa pang five-setter nang maungusan ang Cignal, 23-25, 25-16, 25-21, 24-26, 15-10, upang manatiling walang talo sa Premier Volleyball League Invitational Conference sa harap ng 6,430 fans sa Philsports Arena kagabi.
Nagbuhos si Tots Carlos ng 27 points, gumawa si Alyssa Valdez ng 2 blocks at 2 service aces upang tumapos na may 22 points, habang nag-ambag si Jema Galanza ng 21 points at 17 digs para sa Cool Smashers na umangat ang semis record sa 3-0 at nahila ang kanilang perfect run sa anim na laro.
Nakihamok ang HD Spikers sa defending champions sa two-hour, 48-minute showdown bago tumiklop, na pumutol sa kanilang four-match winning streak.
Nakakuha rin ang Creamline ng suporta mula kay second libero Ella de Jesus, na nakakolekta ng 19 digs.
Nauna rito, kumamada si Royse Tubino ng 20 points nang maitakas ng PLDT ang 25-21, 25-18, 25-19 victory kontra wala sa pormang F2 Logistics side upang maipowersa ang three-way tie sa kanilang biktima at sa Cignal sa 1-2.
Sa pagkatalo ng HD Spikers ay nabasura ang 28-point, 11-dig effort ni Ces Molina. Nagdagdag si Rachel Anne Daquis ng 14 points habang nagtala sina Ria Meneses at Jovelyn Gonzaga ng12 at 11 points, ayon sa pagkakasunod.
Sinamantala ng High Speed Hitters ang pagkapagod ng Cargo Movers, na galing sa mind-draining, energy-sapping five-set setback sa Cool Smashers noong Huwebes para itakas ang one-hour, 30-minute victory.
Sinabi ni PLDT coach Rald Ricafort na hindi na siya nasorpresa sa nilaro ng F2 Logistics makaraang dumaan ito sa five-set escape kontra Chery Tiggo upang kunin ang isang semis seat noong Martes.
Ang High Speed Hitters ay naglaro below par sa pagkatalo ss HD Spikers noong Huwebes, 22-25, 15-25, 21-25.
“I’m very happy na bumawi mga players after a bad game against Cignal,” sabi ni Ricafort. “Pag galing ka talaga sa five sets, ‘yung rest napaka-importante, kinukulang talaga. Nasaktuhan lang siguro namin na sila (F2) naman ang pagod and we took advantage (of the situation).”
Ang semis phase, ayon kay Ricafort, ay naging mas mental kaysa physical.
“Mga one-and-a-half hour na lang ang training at pray na lang na maganda ang gising ng mga players kasi lahat pagod na,” dagdag ni Ricafort, kung saan dinomina ng PLDT ang katunggali. 45-30.
Nanguna si Myla Pablo para sa Cargo Movers na may 10 points, kabilang ang 2 blocks, kumana si Majoy Baron ng 4 blocks para sa nine-point effort habang umiskor din si Aby Maraño ng 9 points.