PASOK na naman sa PVL All-Filipino Conference Finals ang Creamline Cool Smashers.
Ito ay makaraang walisin ng tropa ni coach Sherwin Meneses ang Chery Tiggo, s 26-24, 25-21, 25-21, sa semifinals kagabi sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Sa isa pang semis showdown ay siniguro ng Choco Mucho na hindi sila tutukod sa pagkakataong ito at pinataob ang Cignal sa straight sets, 25-23, 25-22, 25-22, upang ipuwersa ang sudden-death.
Hindi tulad sa opener noong Huwebes nang masayang ang kanilang two-set lead, ang Flying Titans ay nagtrabaho nang husto para maipatas ang best-of-three series sa 1-1.
Nakatakda ang Game 3 sa Martes sa parehong Pasig venue.
Nasiyahan si coach Dante Alinsunurin sa ipinakita ng kanyang tropa.
“Nagpunta kami rito talaga, ‘yung mindset talaga namin na makabawi kami doon sa pagkatalo namin sa Game 1,” sabi ni Alinsunurin.
“More talaga ‘yung nag-deliver ang mga players. Tinrabaho nila mula sa first point hanggang matapos ang game. May mga kaunting struggle sa loob ng court pero iyon nga nakapag-adjust kami and thankful na nakuha namin ang Game 2,” dagdag pa niya.
Kuminang si Sisi Rondina na may 23 points, kabilang ang 2 blocks, at 8 receptions, habang nagdagdag si Kat Tolentino, nasa kanyang pinakamagandang laro ngayong season, ng 15 points. Naitala rin ni Tolentino ang dalawa sa anim na blocks ng Flying Titans.
Determinadong dalhin ang Choco Mucho sa breakthrough Finals appearance na naging napakailap magmula nang sumali sila sa liga noong 2019, nais ni Rondina na ilagay sa isipan ng kanyang teammates na mananalo sila hindi lamang sa laban, kundi sa giyera.
“Sinasabi ko paulit-ulit na lagi akong naka-mindset na kumbaga ba giyera nga ito and lagi kong sinasabi na mananalo kami,” sabi ni Rondina.
Nagtala si Jovelyn Gonzaga, isa sa mga bayani ng HD Spikers sa Game 1, ng 13 kills, 10 digs at 7 receptions. Subalit tinapos ni Gonzaga ang one hour, 41 minute match sa service error.
Nagdagdag si Ces Molina ng 11 points habang kumana si Riri Meneses ng 3 blocks upang tumapos din na may 11 points para sa HD Spikers.