ILANG players ng Creamline, na nagkampeon sa katatapos na Premier Volleyball League All-Filipino Conference, ang inimbitahan na maging bahagi ng national team na sasabak sa AVC Challenge Cup for Women sa May 22-29 subalit tumanggi, ayon kayAlas Pilipinas head coach Jorge Souza de Brito.
Ibinunyag ito ng Brazilian coach sa pag-anunsiyo sa bagong monicker ng national volleyball teams noong Miyerkoles sa Mandaluyong City.
Tanging si Jia de Guzman ang tumanggap sa imbitasyon.
“The players from Creamline, they are invited. But two of them, they already scheduled something. It’s not that [they weren’t included], they are invited but they denied,” sabi ni De Brito.
“They cannot [join] now but maybe in the future,” aniya.
Hindi niya pinangalanan ang mga player ng Cool Smashers na inimbitahan.
Sinabi rin ni De Brito na apat na players mula sa Choco Mucho Flying Titans, back-to-back silver medalists sa PVL, ang inimbitahan ngunit dalawa lamang ang pumayag.
“The Choco Mucho players, they are there. We requested for four but we have two and it’s good,” ani De Brito.
Sina Choco Mucho star spiker at dating PVL MVP Sisi Rondina at middle blocker Cherry Nunag ay kakatawan sa bansa kasama sina De Guzman, Vanie Gandler, Dawn Catindig, Cherry Nunag, Dell Palomata, Fifi Sharma, Jen Nierva, Faith Nisperos, UAAP standouts Angel Canino, Julia Coronel, Thea Gagate, Casiey Dongallo, Bella Belen at Alyssa Solomon.