COOP TUMANGGAP NG LIVELIHOOD SUPPORT

NAGKALOOB kama­kailan ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa Zamboanga del Sur ng livelihood support na nagkakahalaga ng P584,334 sa dalawang agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) na ipinatutupad sa ilalim ng Enhanced Partnership Against Hunger and Pover­ty (EPAHP) project ng kagawaran.

May kabuuang 267 agrarian reform beneficia­ries (ARBs) na miyembro ng Culasian Water and Sanitation Association; at ng Don Mariano Solar Lighting Association ang nakatanggap ng tulong pangkabuhayan o livelihood support na binubuo ng 48 mga inahing manok, isang poultry house at isang tricycle.

Sinabi ni DAR Provincial Agrarian Reform Prog­ram Officer Judith Mantos na ang tulong pangkabuhayan ay ibinigay upang matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng karagdagang kita para sa kanilang mga pamilya.

“Ibinigay ang mga inahing manok sa mga magsasaka para alagaan nila. Maaari nilang ibenta ang mga ito para sa karagdagang kita o maaari nilang ubusin kung kapos sila sa pagkain,” ani Mantos.

Idinagdag niya na ang mga tricycle ay ibinigay upang mabawasan ang gastos sa pagdadala ng kanilang mga poultry product sa mga pampublikong pamilihan.

Ayon kay Mantos, ang mga miyembro ng ARBO ay binubuo ng mga mahihirap na magsasaka at manggagawang bukid na umaasa lamang sa pagtatanim bilang kanilang pa­ngunahing pinagkukunan ng kita. Ngunit dahil sa pandemya, ang pagsasaka ay hindi na nakasasapat sa pang-araw-araw na pa­ngangailangan ng kanilang mga pamilya.

“Bilang bahagi ng programa ng DAR, tinutulungan namin ang mga magsasaka sa pagpapabuti ng kanilang mga teknolohiya sa pagsasaka sa pamamagitan ng pagsasanay, at inilalapit din namin sila sa mga institusyonal na mga mamimili kung saan maaari nilang dalhin ang kanilang mga produkto at makipagkasundo sa mas mahusay na presyo para sa kanilang mga kalakal. Ito ang tinatawag namin na support services package,” ani Mantos.

“Ang proyektong ito ng DAR at EPAHP ay may dalawang layunin. Hangad nitong maibsan ang gutom at kahirapan at kasabay nito ay matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng karagdagang kita mula sa pagpapalaki ng mga hayop bukod sa kanilang pagsasaka,” ani Mantos. BENJIE GOMEZ