COOPERATIVE MOVEMENT, TUMUGON KAY SEN. GO

Special Assistant to the President Bong Go

TUMALIMA ang cooperative movement sa bansa sa panawagan ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go na gamitin ang kanilang Community Development Fund (CDF) upang makatulong sa pagsusumikap ng pamahalaan na labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) at mabawasan ang socio-economic impact ng krisis.

Ayon sa Philippine Cooperative Center, kabilang sa mga tulong na  naipagkaloob nila ay ang pagdo-donate ng mga pangunahing pangangailangan sa mga mamamayan, gaya ng pagkain, paghahanda at distribusyon ng mga food packs at hygienic aids; logistics support para sa health/medical workers sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga personal protective equipment (PPE), at pagsasagawa ng sanitation/disinfecting work sa mga coop offices at iba pa.

Nagpasalamat naman si Sen. Go sa positibong tugon ng mga kooperatiba sa kanyang panawagan.

“Nagpapasalamat po ako at ang sambayanang Filipino sa inyong kontribusyon sa laban nating ito,” aniya.

Apela pa niya, “Magkaisa po tayo at sama-sama nating talunin ang virus bilang isang nagkakaisang bansa. Ipakita natin na walang imposible kung ang diwa ng bayanihan at pagtutulungan ang mangunguna sa ating mga isip at puso sa paglaban ng COVID-19 sa Pilipinas (sic).”

Nauna rito, iminungkahi ni Go, na siyang chairman ng Senate Committee on Health and Demography, ang paggamit ng CDF ng mga kooperatiba para sa mga proyektong pakikinabangan ng komunidad, sa panahon ng ECQ, upang mas lalo pang mapalakas at mapalawig ang paglaban ng bansa sa mga banta ng COVID-19.

Comments are closed.