COP NG PORAC INALIS SA PUWESTO

PAMPANGA- SINIBAK sa puwesto ang hepe ng pulisya ng Porac sa gitna ng imbestigasyon sa umano’y “scam farm” sa loob ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub na ni-raid nitong Linggo.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo na titingnan ng pulisya kung paano nabigo ang Porac police force na matukoy ang iligal na operasyon ng POGO hub.

Bukod dito, sinabi ni Fajardo na iimbestigahan din ng PNP ang munisipyo ng bayan sa kadahilanang pinayagan ang POGO hub na mag-operate kahit walang permit mula noong 2023.

Noong Martes, nagpatupad ang mga awtoridad ng search warrant laban sa POGO hub batay sa reklamo ng umano’y human trafficking na nangyayari sa loob ng 10-ektaryang establisimiyento.

Ang POGO hub ay iniulat na sangkot sa iba’t ibang mga kriminal na aktibidad na kinabibilangan ng human trafficking, sex trafficking, torture, kidnapping, at scamming.

May kabuuang 158 na dayuhan, karamihan ay mga Chinese, ang nailigtas sa operasyon.

Sinabi ng mga awtoridad na marami pang tao sa loob ng hub ang nakatakas matapos umanong makatanggap ng maagang babala sa napipintong pagsalakay.

Nauna rito, tinanggal sa puwesto ang buong tauhan ng Bamban Municipal Police Station sa Tarlac matapos ang pagsalakay sa POGO hub ng bayan na matuklasan ang ebidensya ng iba’t ibang ilegal na aktibidad. EVELYN GARCIA