COPA NOVICE SWIM MEET SA RSMC

Rizal Memorial Sports Complex

MAS malaking bilang ng mga batang swimmers ang inaasahang lalahok sa ilalargang 1st Novice Swim Championship ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) ngayong weekend sa Teofilo Ildefonso swimming pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila.

Sinabi ni COPA treasurer coach Chito Rivera na mas pinaluwag ng Philippine Sports Commission (PSC) ang regulasyon sa antigen testing requirement para sa mga papasok sa pasilidad ng ahensiya dahilan upang mas mahimok ang mga magulang ng swimmers na makilahok sa torneo na isa sa grassroots program na nakalinya ng COPA ngayong taon.

“Through the effort of Cong. Eric Buhain who is also one of COPA’s founder, napakiusapan natin at ipinayang ni PSC Chairman Noli Eala na alisin na ‘yung antigen requirements. Alam naman natin na marami pa ring mga magulang at swimmers na umaayaw sa antigen. With this we expect na madagdagan pa ‘yung confirmed 300 participants natin this weekend,” pahayag ni Rivera sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ noong Huwebes.

“Napakaimportante sa mga swimmers lalo na ‘yung mga nagsisimula pa lang ang mga ganitong tournament para mas maenganyo sila at magpursige para maabot yung level na kailangan nila para sa elite competition,” aniya.

Sinabi ni Rivera na bukas ang kompetisyon hindi lamang sa mga club at organisasyon na miyembro ng COPA basta ipalilista sila ng kani-kanilang coach upang matukoy kung saang event sila dapat na mailahok.

“Open ito sa lahat, wala kaming tatangihan sa COPA basta hanggang maaari ay ‘yung coach mismo nila ang magpalista sa amin para malaman kung ano ang kakayahan ng swimmers at kung saan namin sila isasali,” sabi ni Rivera.

Taliwas sa format ng ibang kompetisyon, sinabi ni Rivera na naglagay sila ng cut-off time para matukoy kung dapat nang mailagay sa Class C, B at A ang participants. Gayunman, lahat ng event winners ay may medalyang matatanggap.

“Hindi naman natin maiwasan na may sasaling hindi na first timer o ‘yung oras niya ay lagpas na sa novice group. So ‘yung cut-off time, malalaman natin na ‘yung swimmers sa class A, B or C na siya, With this siguradong may medalya yung talagang first timer,” ani Rivera.

Nilinaw ni Rivera ang kahalagahan ng partisipasyon ng kabataan sa sports at sa swimming community, at nakikipag-usap na, aniya, ang COPA sa mga opisyal ng Department of Education (Deped), gayundin sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Sa datos, may halos 27 milyon estudyante sa public schools kaya COPA decided na gumawa ng programa para ma-tap din natin ‘yung mga talent. Of course, bukod sa kawalan ng kapasidad na magbayad ng membership fee at training fee , kulang din sa technical knowledge at pasilidad ang mga coach at swimmer sa ating public schools kaya with the help of local officials puwede nating maisaayos ‘yung ‘Godfather’ scheme para sa kanila,” dagdag ni Rivera.

Bukod sa Novice Swim Championship, ilalarga rin ng COPA ang Reunion 3rd leg sa Oktubre 1-2; ang Reunion Swim Challenge Championship sa Oct. 22-23; Sprint meet with the introduction of SKINS Swim event (Nov. 12-13); at Short Course Yuletide Swimming Championship (Dec. 10-11).