TULOY ang programa ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) sa pagdaraos ng mga aktibidad na sisimulan sa gaganaping 2nd leg ng Reunion Swim Challenge sa Agosto 27-28 sa Teofilo Ildefonso Swimming Pool sa loob ng makasaysayang Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.
Sinabi ni Batangas Congressman Eric Buhain na ang torneo ay bukas sa lahat ng Filipino, teams o clubs anuman ang kinaaanibang asosasyon bilang pagpapatibay sa nasimulang misyon na mapagkaisa ang lahat sa iisang adhikain sa swimming community.
“Regardless of your affiliation COPA welcomes everybody with an open arms. Isa lang naman ang interest natin at gusto nating mangyari ito’y ang yumabong ang swimming. We have to train the trainers and the development and improvement of our swimmers followed,” pahayag ng swimming icon at bagong halal na congressman ng unang Distrito ng Batangas..
“After more than two years of inaction due to pandemic, finally our young swimmers can now go back to the pool, enjoy the action once again and resumed the clubs grassroots sports development program. Importante, malaman na ng mga swimmers na balik na at puwede na ang kompetisyon,” aniya.
Ang swimming Olympian at dating SEA Games record holder ay kabilang sa bumuo ng COPA kasama sina Chito Rivera, Darren Evangelista, Joel Esquivel at Richard Luna noong 2020.
Ngayon, ang grupo ay may mahigit sa 200 teams/clubs sa 11 clusters na binubuo ng 17 rehiyon sa bansa. Mayroon itong kabuuang 300 miyembrong coach at 3,500 sanctioned swimmers.
“I remember we started the year with organizing a coaches’ technical seminar through Samahang Manlalangoy ng Pilipinas (SMP). Maglalabas na sana kami ng serye ng mga seminar sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa kapakinabangan ng aming mga kaibigan sa coach, ngunit tumama ang pandemya at kailangan naming ipagpaliban ang lahat ng mga plano,” sabi ni Buhain.
“Ngayon, nakakabangon na tayo unti-unti. Tuloy na ang ating mga programa. At ang COPA ay may linya ng abalang iskedyul para sa mga darating na buwan bilang paghahanda para sa ‘Big One’ sa susunod na taon,” dagdag pa niya.
Bukod sa Reunion Swim Challenge, ang COPA ay magsasagawa rin ng 1st Novice Swim Championship na nakatakda sa Setyembre 17-18; Reunion 3rd leg sa Oktubre 1-2; Reunion Swim Challenge Championship sa Oktubre 22-23; Sprint meet na may pagpapakilala sa SKINS Swim event (Nob. 12-13); at Short Course Yuletide Swimming Championship (Dis. 10-11).
EDWIN ROLLON