CORN FARMERS DUMADAING SA PAGKALUGI

LABIS na nababahala ang mga magsasaka sa Cagayan Valley na nagtatanim ng dilaw na mais dahil sa pagkalugi.

Sa ulat na inilabas ng Danggayan Cagayan Valley (Alyansa ng mga Magsasaka sa Lambak ng Cagayan), nasa ₱7/kilo lamang ang bilihan ng regular na mais sa Lasam, Cagayan; ₱10/kilo sa San Mariano, Ilagan, Roxas at ₱10.50 sa San Guillermo. Sa Gattaran, ₱11.50/kilo ang bilihan ng regular na mais habang ang “good & dry” (may mababang moisture content) ay ₱15-17.50/kilo lamang.

Ayon sa website ng Philippine Revolution Web Central, nasa ₱17/kilo naman ang bilihan sa Cotabato (mula ₱25/kilo bago ang anihan), gayundin sa Bukidnon at Maguindanao. Sa Zamboanga ₱17-₱19 ang kilo mula ₱20/kilo. Sa ibang bahagi ng BARMM, nasa ₱16 lamang ito mula ₱26-P27 bago ang anihan. Tinataya ng mga magsasaka na babagsak pa ang mga presyo sa kasagsagan ng anihan.

“Nakaligtas tayo sa army worm, sobrang hangin, baha at katatapos lang tamaan ng El Niño, pero ‘di tayo makaligtas sa barat na presyo ng mais,” reklamo ng mga magsasaka. Kinondena nila ang pambabarat ng mga komersyante pagsapit ng anihan.

Anila, halos hingin na lang ng mga ito ang kanilang produkto.

MA. LUISA M. GARCIA