CORPUS RATSADA SA ATHLETICS NG ROTC GAMES

ZAMBONGA CITY – Kumaripas si Philippine Army cadet Jessa Corpus sa women’s 4×100 meter relay upang sikwatin ang pangatlong medalya sa 2nd Philippine Reserve Officers Training Course Games 2024-Mindanao Qualifying Leg Huwebes ng umaga sa Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex track oval dito.

Nakipagsanib-puwersa ang 22-year-old 4th year BS Criminolgy student na si Corpus sa schoolmates niya sa Tangub City Global College na sina Angelie Barete, Emily Omapia at Ronalyn Suson upang ilista ang 54.3 segundo at sikwatin ang gintong medalya.

Umarangkada muna si Corpus sa 1,500 meters upang itakbo ang gold medal sa tiyempong 5:34.5 minuto at saka kinalawit ang ginto sa 800 meters (2:44.3) noong Miyerkoles ng hapon sa palarong pinasimulan ni Sen. Francis Tolentino at itinataguyod ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni Richard Bachmann.

“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon binigyan niya ako ng lakas para makamit ang gintong medalya  and sa aming very supportive and humble Governor Henry S. Oaminal, 903rd CDC personnel, Mayor Ben Canama and city official, and to our college president maam Maricel Nueva at very supportive coach Rosnani Pamaybay and Michelle Mangubat,” masayang pahayag ni Corpus.

May tsansa pang maka-apat na ginto si Corpus dahil nakatakda itong sumalang sa 4×400 relay at ayon sa kanya ay itotodo niya ang lahat para manalo.

Dumating na segundo ang mga atleta ng Jose Rizal Memorial State University – Dipolog Campus na sina Princess Taypen, Karen Joy Maya, Rexel mae Empremiado at Jasmine Atay na inilista ang tiyempong 1:00 minuto para sa kanilang silver medal finish.

Napunta ang bronze medal kina Rahima Jamil, Flordiliza Biya, Rosemie Esmael at Milyn Buca ng Jose Rizal Memorial State University – Tampilisan Campus.

Samantala, sina John Barry Asdani, Philronne Orcia, Deane Ramos at Ralph John Mickel Salcedo ng Philippine Air Force mula sa  Western Mindanao State University ang nagtulungan upang makuha ang gintong medalya sa 4×100 meter sa men’s division.

Nakasungkit naman ng gold sa women’s arnis Non Traditional Single Weapon sina Crystal Jade Templa  ng Josefina Herera Cerilles SC (Army) at Bernalyn Nicdao ng Western Mindanao State University (Air Force).

Sa table tennis, nakuha ni Philippine army Kyla Crizz Pabico ng Holy Trinity College ang gintong medalya sa singles women’s division.

Ang multi-sports competition na magtatapos bukas (Hunyo 29) ay para sa mga kadete mula sa Philippine Army, Philippine Air Force at Philippine Navy na magpapaligasahan sa 14 sports.

CLYDE MARIANO