CORY, NANANATILI SA PUSO NG PINOY

SA  Miyerkoles, ika-25 ng Enero, ay ating aalalahanin ang araw ng kapanganakan ng kauna-unahang babaeng pangulo ng bansa, si Maria Corazon “Cory” Sumulong Cojuangco Aquino.

Ipinanganak siya noong 1933 sa Paniqui, Tarlac at labis siyang minahal ng kanyang mga kababayan. Nakilala siya bilang Ina ng Demokrasya sa bansa sapagkat ibinalik niya ang demokrasya sa Pilipinas pagkatapos ng matagal na pamumuno ng dating presidente na si Ferdinand Marcos.

Bago siya naluklok bilang pangulo ng bansa, pinangunahan ni Cory ang EDSA People Power, isang mapayapang rebolusyon na hinangaan ng buong mundo at ginaya sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig. Kaya naman para sa kanyang makabuluhang ambag hindi lamang sa sarili niyang bansa kundi pati na rin sa buong mundo, kinilala siya ng TIME Magazine bilang Person of the Year noong taong 1986.

Hindi ito maliit na bagay dahil noong panahong iyon, isang babae pa lamang ang nakatanggap ng katulad na pagkilala. Iyan ay walang iba kundi si Queen Elizabeth II noong 1952.

Minahal si Cory ng kanyang nasasakupan sapagkat nakita nila at naramdaman nila ang tapat niyang pagmamahal sa bansa at kababayan. Sa kabila ng napakaraming pagsubok ay nagsakripisyo si Cory at humarap sa iba’t-ibang uri ng panganib upang matapat na mapaglingkuran ang kanyang bansa at mga kapwa Pilipino.

Matagumpay niyang pinag-isa at nabigyang-inspirasyon ang maraming Pilipino mula sa iba’t-ibang sulok ng mundo.

Namangha sila sa kanyang karakter at karisma. Sinuportahan siya ng marami—mula sa mga mahihirap hanggang sa mga nakakaangat sa lipunan. Hindi iilan ang nabasa kong pagpapatunay mula sa panulat ng ilang mga Pilipino na nagsasaad kung ano ang naging epekto ni Cory sa kanilang buhay at kung paano niya sila nabigyan ng inspirasyon para mas lalong mahalin ang bansa.
(Itutuloy…)