(Pagpapatuloy…)
Isa sa mga katangian ni Cory na bihirang makita sa ibang mga pulitiko ay ang pagiging madasalin. Ipinakita sa atin ni Cory kung paano niya inilagay sa gitna ng kanyang pamumuno bilang pangulo ang Diyos. Ipinakita niya kung paano magmahal nang tapat sa bansa, sa pamilya, at sa Diyos.
Hindi karaniwan sa ibang mga pangulo ang ganitong gawain o pagiging lantad ng kanilang ispiritwalidad. Ngunit ipinakita ni Cory sa mga Pilipino at sa buong mundo kung gaanong kahalaga ang panalangin.
Pinasidhi niya sa ating dibdib ang paniniwala sa kapangyarihan ng panalangin. At dahil sa kanyang kabutihang loob, naging mas positibo ang kanyang karakter.
Nakita ito ng lahat. Hindi ito kahinaan, ngunit isang simbolo ng kanyang lakas. Nagawa ni Cory na balansehin ang kabutihan at kapangyarihan sa paraang hindi madaling nagawa o nagagawa ng ibang lider.
Kaya’t sa araw na ito na ating inaalala ang isang kahanga-hangang pinuno at personalidad sa larangan ng pulitika at kasaysayan ng bansa, umaasa akong patuloy tayong magdarasal para sa kanyang kaluluwa at patuloy na hihingi ng gabay para sa mga kasalukuyang lider ng ating bansa. Habang inaalala natin ang kanyang mga sakripisyo at nagawa para sa bansa, sana ay magbigay ang mga ito ng inspirasyon sa atin na ituloy ang kanyang mga nasimulan sa ating sariling paraan.
Sinabi ni Cory noong siya ay nabubuhay na kailangan nating kalimutan ang sarili at isipin lamang ang mga kababayan.
Nawa’y magkaroon pa ng mas maraming lider na kagaya niya ang bansang Pilipinas, mga pinunong handang kalimutan ang kanilang sarili at ituon ang buong atensyon sa kanilang nasasakupan.