NANANATILING hadlang sa pagbabalik sa normal na sitwasyon ang matinding kakulangan ng bus na bumibiyahe sa mga probinsya at Metro Manila.
Sangkap ang mga bus pamprobinsya sa muling pagbuhay at paglago ng pambansang ekonomiya.
Kung wala ang mga bus pamprobinsiya, kalimutan ang muling pagbangon. Ayon kay dating Senador Nikki Coseteng, pumayag ang 18 sa 20 miyembro ng IATF sa isang pulong na pahintulutang pumasok ang mga bus pamprobinsya sa Metro Manila.
Ayon kay Coseteng, may pahayag ang PCOO (hindi ang DoTr o LTFRB), na pinapayagan ang mga bus pamprobinsya na pumasok at kumuha ng pasahero sa bus terminal ng Cubao, ngunit hindi ang mga bus na galing sa hilagang Luzon. Kailangang dumaan ang mga bus pamprobinsya sa central bus terminal sa Bocaue. Tanging doon sila makakalulan ng mga pasahero.
Napansin ni Coseteng na hindi gumagalaw ang DoTr upang mabigyan ng solusyon ang matinding kakulangan ng mga bus pamprobinsya na biyahe mula Metro Manila patungo sa mga destinasyon sa ibang lalawigan. Napuna niya na tila nais ng DoTr na dumagsa ang mga bus sa EDSA kung papayagan silang magbiyahe at kung lumala ang trapiko sa EDSA, isisisi ang lahat sa mga bus upang tuluyan na silang mawala sa pagwawakas ng kasalukuyang administrasyon.
Para sa dating senadora, “may mga aninong gumagalaw” kung bakit hindi pinahihintulutan ng DoTr na bumiyahe ang mga bus pamprobinsya. Hindi tuwirang pinangalanan o binanggit ni Coseteng kung ano at sino ang mga aninong pumipigil upang muling makalabas ang mahigit sa 5,000 bus na bumibiyahe mula Metro Manila at mga probinsya.
Muling binanggit ni Coseteng ang kanyang pusta na P2 milyon kay DOTr Sec. Arturo Tugade at iba pang mga opisyal na sumakay ng mga pampublikong sasakyan sa loob ng isang buwan upang malaman nila ang totoong hirap ng mga pasahero.
Sinabi ni Coseteng na nakahanda siyang ibigay ang pustang P2 milyon kung mapatutunayan ni Tugade na hindi mahirap ang bumiyahe sa mga pampublikong bus. Nagpahayag si Coseteng ng kalungkutan sa hindi pagsipot ni Tugade at iba pang opisyal ng DoTr sa kanyang hamon na magkita noong nakaraang linggo sa isang fast food joint sa harap ng Bonifacio Monument sa Caloocan City at pumunta sa central bus terminal sa Bocaue, Bulacan upang sumakay ng bus pamprobinsya.
Ipinakita ni Coseteng ang footage kung saan pumunta siya ng bus, sumakay ng jeep papuntang Bocaue, at sumakay ng traysikel sa pamasaheng P100 para marating ang central bus terminal na nasa tabi ng Philippine Arena. Ipinakita ng video clip na inabutan ni Coseteng na halos walang laman na bus ang central terminal sa Bocaue.
Kinondena ni Coseteng ang patuloy na pananahimik ni Tugade at iba pang opisyal ng DoTr sa itinuturing niyang “penitensiya” ng sambayanang Pilipino sa usapin ang transportasyon, lalo na ang bus pamprobinsya. Nilinaw naman ng dating senadora na siya ay hindi operator ng bus o anumang pampublikong sasakyan. Marami lang aniyang dumudulog at humihingi ng tulong sa kanya na ordinaryong tao at nahihirapan sa kasalukuyang sitwasyon sa pagbiyahe paputang probinsya. “Hindi naman natatapos ang pagtulong kahit wala ka na sa politika,” ani Coseteng.