COVID-19 CASES 44 NA LANG

SA nakaraang 12 magkakasunod na araw ay walang naiulat na namatay sa COVID-19 ang lokal na pamahalaan ng Pasay habang ang kaso naman ng virus sa lungsod ay patuloy din na bumababa na mayroon na lamang 44 aktibong kaso ang naitala o katumbas ng 0.2 porsiyento.

Base sa COVID-19 update nitong Sabado ng Pasay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU), sa kabuuang datos na 22,010 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod at wala namang bagong kaso ang naitala habang mayroon mga nakarecover sa virus na 21,420 na pasyente kasama na rito ang 3 bagong pasyente na nakarecover o katumbas ng 97.32 porsiyentong recovery rate.

Ayon sa lokal na pamahalaan, sa kabuuang 201 barangay na mayroon sa buong lungsod ay nasa 26 barangay na lamang ang natitirang may kaso ng COVID-19 o katumbas ng 12.93 porsiyento.

Sa tuloy-tuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 ay nanananatili pa ring 546 ang bilang ng mga namatay sa virus ng halos dalawang linggo magmula pa noong Nobyembre 9 o katumbas na lamang ng ito ng 2.48 porsiyento ng death rate.

Sa 26 barangay na nananatiling may mga kaso ng COVID-19 ay pinangunahan ito ng Barangay 129 na mayroong 8 kaso ng virus na sinundan ng Barangay 183 na may 4 na kaso; ang Barangay 81 at 185 ay mayroong tig-3 kaso; apat na barangay na kinabibilangan ng Barangay 19, 41, 109 at Barangay 201 ay mayroong tig-2 kaso habang 18 barangay naman na kinabibilangan ng Barangay 22, 43, 44, 49, 52, 76, 83, 94, 95, 117, 120, 138, 168, 169, 175, 179, 184 at Barangay 186 ay mayroong tig-isang kaso ng COVID-19.

Ang mabilis na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ay bunsod na rin sa pagtugon o pagsunod sa mahigpit na pagpapatupad ng safety at health protocols kasabay ng tuloy-tuloy na pagtuturok ng bakuna sa mga residente ng lungsod.

Napag-alaman pa sa lokal na pamahalaan na malaki din ang tsansa na mailagay pa sa mas maluwag na Alert Level 1 ang Metro Manila sa susunod na buwan ng Disyembre bunga na rin ng mabisang pagtugon hindi lamang ng gobyerno kundi pati na rin ng iba’t-ibang local government units (LGUs) at ng publiko na nagkaisang labanan ang COVID-19 sa bansa.

Marami rin ang umaasa na magiging maayos at masaya ang pagdiriwang ng darating na Kapaskuhan at upang hindi na tumaaas pa ang bilang ng kaso ng virus ay muling nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga residente na panatilihin na lamang ang pagsunod sa mga guidelines ng health at safety protocols na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan.

Matatandaan na binigyan na ng basbas ng gobyerno ang pagbabakuna sa general pediatric population na nasa edad 12 hanggang 17 na napapabilang sa klasipikasyon ng A3 category gayundin ang pag-anunsiyo sa pagtuturok naman ng booster shots sa health workers at susundan na rin ng senior citizens na mapagkalooban rin ng kanilang booster shots sa susunod na linggo. MARIVIC FERNANDEZ