INIULAT ng Department of Health (DOH) na umaabot na ngayon sa mahigit 38,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na makapagtala na lamang sila ng 1,591 bagong kaso ng impeksiyon araw ng Miyerkoles.
Batay sa inilabas na case bulletin #599 ng DOH nitong Nobyembre 3 ng hapon, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit ay umaabot na sa 2,793,898 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang kabuuang bilang, 1.4% na lamang o 38,014 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa sa karamdaman, kabilang dito ang 69.4% na nakakaranas ng mild cases, 13.87% na moderate cases, 8.1% na severe cases, 5.2% na asymptomatic o walang nararamdamang sintomas, at 3.4% na kritikal.
Nakapagtala rin ang DOH ng 4,294 bagong gumaling sa karamdaman kaya’t sa kabuuan, umaabot na sa 2,712,298 ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.1% ng total cases.
Mayroong 186 pasyente na sinawimpalad na bawian ng buhay dahil sa kumplikasyong dulot ng COVID-19.
Sa ngayon ang Pilipinas ay mayroon nang kabuuang 43,586 COVID-19 deaths o 1.56% ng total cases.
Samantala, iniulat ng DOH na mayroon pa rin namang 349 duplicates ang inalis ng DOH sa total case count, kabilang dito ang 330 recoveries at apat na deaths.
Mayroong 132 pasyente na unang tinukoy bilang recoveries ang malaunan ay nireklasipika matapos na lumitaw sa pinal na balidasyon na binawian na pala sila ng buhay.
Anang DOH, sa pinakahuling ulat, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong Nobyembre 1, 2021 habang mayroong pitong laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System (CDRS).
Anito pa, base sa datos sa nakaraang 14 na araw, ang kontribusyon ng naturang pitong laboratoryo ay humigit kumulang sa 1.3% sa lahat ng samples na naitest at 3.0% sa lahat ng positibong mga indibidwal.
Patuloy pa rin ang paalala ng DOH sa publiko na huwag maging kampante at manatiling maging maingat upang hindi dapuan ng COVID-19. Ana Rosario Hernandez