COVID-19 CASES BUMABA NG 25%

Maria Rosario Vergeire

KINUMPIRMA ni Department of Health (DOH) Spokesperson Maria Rosario Vergeire na bumaba na ng 25% ang naitatala nilang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa nitong mga nakalipas na linggo.

Ayon kay Vergeire, lumabas sa ginawa nilang pag-analisa na kumpara noong nakalipas na buwan ay bumaba ang kaso ng COVID-19 ng 25%.

Sa ibinahaging table ng DOH, lumabas na sa kabila na nag a-average sa  2,517 kaso kada araw noong nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo, naging 1,887 naman ito noong nakalipas na dalawang linggo.

Nakita rin ang naturang pagbabago  sa National Capital Region, na siyang epicenter ng  pandemya sa bansa na bumaba sa average na 522 kada araw ang mga naitatalang bagong kaso mula sa dating 842.

“Pero ngayon, nakikita natin talaga yung pagbaba ng mga kaso . We are just averaging about 500-plus cases a day in the National Capital Region,” dagdag ni Vergeire, sa virtual briefing.

Nabatid na naitala sa Pilipinas noong Agosto 10 ang pinakamataas na kaso ng COVID-19 na umabot sa 6,864.

Umaasa rin si Vergeire na higit pang bababa ang mga kaso at aabot sa puntong wala nang maitatalang bagong kaso ng sakit.

“Further analysis showed na ‘yung trends natin comparing to last month decreased by 25 percent. So hopefully dadating tayo doon sa point na pababa na rin siya ng pababa,” ani Vergeire. “Hindi na tayo madadagdagan ng kaso.”

Gayunman, nilinaw ni Vergeire na hindi lamang tinitingnan ng  gobyerno ang bilang ng kaso  sa pagdetermina sa quarantine level ng lugar.

Sinabi ni Vergeire na posibleng maibaba na sa mas mababang community  quarantine level ang bansa at posibleng  sa susunod na taon sa unang yugto ay mailagay na sa modified general community quarantine (MGCQ) status na ang bansa.

Samantala, umakyat na sa 385,400 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa hanggang 4PM nitong Nobyembre 2, matapos na makapagtala pa ang DOH ng 2,298 na bagong kaso ng sakit.

Kabilang naman sa mga lalawigan at lungsod na nanguna sa listahan ng may pinakamataas na kaso ng virus infection ay ang Benguet na may 188 new cases, Davao City na may 166 new cases, Rizal na may 119 new cases, Quezon City na may 116 new cases at Bulacan na may 91 new cases.

May naitala rin namang 87 na bagong gumaling sa COVID-19 ang DOH, sanhi upang umabot na sa 348,830 ang kabuuang bilang ng mga nakarekober mula sa virus.

Mayroon rnamang 32 na naitalang bagong nasawi dahil sa virus kaya’t umabot na ngayon sa 7,269 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa bansa dahil sa COVID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.