INIULAT ng Department of Health (DOH) na umaabot na lamang sa mahigit 27,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na makapagtala na lamang ng 1,547 bagong kaso.
Ito ay mas mababa kumpara sa 1,926 na naitala nitong Linggo, Nobyembre 14.
Batay sa case bulletin #611, nabatid na dahil sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na sa 2,818,511 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang kabuuang bilang, 1.0% na lamang o 27,025 ang aktibong kaso o nagpapagaling pa mula sa karamdaman, kabilang dito ang 61.0% ang nakakaranas ng mild symptoms, 17.59% ang moderate cases, 10.8% ang severe cases, 5.9% ang asymptomatic o walang nararamdamang sintomas, at 4.6% ang kritikal.
Mayroon ding 2,601 mga pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,745,777 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.4% ng total cases.
Mayroon pa ring 128 pasyente na namatay dulot ng COVID-19 kaya’t sa ngayon, nasa 45,709 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.62% ng total cases. Ana Rosario Hernandez