COVID-19 CASES BUMILIS ANG PAGBABA

INIULAT  ng indipendiyenteng grupo ng mga eksperto, na OCTA Research Group, na bumilis na ang pagbaba ng COVID-19 cases sa Metro Manila.

Ayon kay Dr. Guido David, ng OCTA, ang positivity rate ng National Capital Region (NCR) ay nasa 19% hanggang 20% na lamang, habang ang reproduction number naman ay nasa 0.94 na lamang o pasok sa ideyal na ‘less than 1’ na itinatakda ng mga awtoridad.

Naniniwala si David na nakatulong sa pagbaba ng mga kaso ang mga lockdown na ipinatupad ng pamahalaan sa rehiyon.

“Ngayon, medyo bumilis ang pagbaba. Nag-umpisa ‘yan nasa MECQ tayo. So in part, nakatulong naman ang lockdown natin, at least sa pagbaba ng bilang ng kaso,” ani David, sa panayam sa radyo.

Matatandaang mula Agosto 6 hanggang 20 ay isinailalim ng pamahalaan ang rehiyon sa enhanced community quarantine (ECQ) upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 habang simula naman Agosto 21 hanggang Setyembre 15 ay nakasailalim ang Metro Manila sa modified ECQ (MECQ), bago tuluyang isinailalim sa pilot implementation ng bagong Alert Level System na siyang umiiral ngayon hanggang sa Setyembre 30.

“At least, sa Metro Manila at saka sa ibang areas, ‘yung nakikita nating pagbaba, may basis naman talaga, ‘di lang case count. Pati positivity rate, bumababa rin… May genuine na pagbaba ‘yan sa nakikita natin,” aniya pa.

Naniniwala rin si David na ang pagbaba ng mga kaso ay may kinalaman din sa vaccination program ng pamahalaan at sa pagtalima ng mga tao sa health protocols.

Nabatid na bukod sa Metro Manila, ang Calabarzon o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ay nakapagtala na rin ng ‘less than 1’ na reproduction rate.

Ang Benguet, Cagayan Valley, Negros Oriental at Leyte naman ay nakakapagtala umano ng pagtaas ng mga kaso, ngunit sinabi ni David na tinitingnan pa nila kung may trend na ito o clustering lamang.

Kasunod nito, nilinaw rin ni David na wala pang katiyakan kung magtutuloy-tuloy na ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Nagbabala pa siya na maaari pa itong magbago lalo na kung hindi mag-iingat ang mga mamamayan.

“Wala naman tayong assurance na ‘di magbabago yun, unang-una kung ‘di tayo mag-iingat… May mga paraan para ma-reverse ang trend,” pahayag pa ni David. Ana Rosario Hernandez

13 thoughts on “COVID-19 CASES BUMILIS ANG PAGBABA”

Comments are closed.