UMAASA ang OCTA Research na maikonsidera ang pagbabalik ng work from home arrangement sa ibat- ibang tanggapan lalo’t papataas na naman ang kaso ng COVID 19 sa Metro Manila.
Sa Laging Handa briefing kahapon inihayag ni Dr. Guido David ng OCTA Research na mataas ang transmission sa mga tanggapan at ito aniya’y base na rin sa mga nakaraang data.
Bukod sa buong araw magkakasama ang mga kawani ay kadalasang sabay- sabay rin sa kainan ang mga ito na karaniwan ay nangyayari sa mga indoor ventilated area.
Posibleng makaambag aniya ang ganitong mga senaryo sa pagdami pa ng kaso ng tinamaan ng virus at ang pagbabalik trabaho sa tahanan sabi ni David ay malaking tulong para maiwasan ang additional COVID cases.
Isa ring bentahe ayon kay David ng work from home ay makakamenos ang mga empleyado sa gastos sa mas tumataas na halaga ng pamasahe at gasolina.
Nasa 400 to 500 cases kada araw ang nakikitang projection ng OCTA Research na maitatalang kaso ng COVID 19 pagdating ng Hunyo 30.
Ayon pa kay David, sadyang papabilis ang kasong naitatala araw- araw.
Naobserbahan aniya nila na sa mga nakaraang linggo ay 53% ang itinataas ng kaso mula lamang sa 10%.
Tumaas din ani David ang 7 day average sa mula sa 86 to 131 cases per day gayundin ang reproduction number na ngayon ay nasa 1.59 na.
Pati positivity rate sabi ay nasa 2.7 % na habang bahagyang tumaas na rin ang hospital care utilization rate dito sa Metro Manila. EVELYN QUIROZ