PUMALO na sa mahigit 226,000 ang kabuuang bilang ng mga pasyente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na naitatala sa bansa.
Batay sa case bulletin #172 na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na hanggang 4:00PM ng Setyembre 2 ay nakapagtala pa sila ng karagdagang 2,218 kumpirmadong kaso ng virus sanhi upang umabot na sa 226,440 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
“As of 4PM today, September 2, 2020, the Department of Health reports the total number of COVID-19 cases at 226,440,” anang DOH. “A total of 2,218 confirmed cases are reported based on the total tests done by 102 out of 110 current operational labs.”
Nabatid na sa ngayon ay mayroon pang 64,207 ang itinuturing na aktibong kaso ng COVID-19; 91.2% ang mild cases, 6.4% ang asymptomatic; 1.0% ang severe at 1.4% ang critical.
Karamihan sa mga bagong dinapuan ng sakit ay mula sa National Capital Region (NCR) na nasa 1,163; Laguna na may 112; Cebu na may 107; Iloilo na may 82; at Negros Occidental na may 81 new cases.
Nakapagtala rin ang DOH ng karagdagang 609 pang recoveries, kaya’t umabot na ngayon sa 158,610 ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng gumaling sa virus sa bansa.
“DOH likewise announces 609 recoveries. This brings the total number of recoveries to 158,610,” anang DOH.
Samantala, nakapagtala rin ang DOH ng 27 pang pasyente na binawian ng buhay dahil sa virus, sanhi upang umakyat na sa 3,623 ang total reported COVID-19 deaths sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, 25 ang nasawi noong Agosto; isa noong Hunyo at isa noong Mayo.
Pinakamaraming naitalang bagong namatay sa NCR na nasa 10; Region 4A na nasa walo; Region 6 na nasa apat; Region 3 na nasa dalawa; Region 7 na may isa; at Region 8 na may isa habang hindi batid kung saan rehiyon naitala ang isa pa.
Mayroon din umanong 42 duplicates na inalis ang DOH mula sa total case count kabilang dito ang 10 nakarekober at isang namatay. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.