MAYORYA ng mga probinsya sa bansa ang nakikitaan na ng downward trend o pagbaba sa naitatalang kaso ng COVID-19.
Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, higit kumulang limang probinsya na lang ang mayroong positive growth rates sa kanilang COVID-19 cases.
Maliban dito, nasa 8,400 na lamang din ang seven-day average cases sa bansa at inaasahang bababa pa ito sa 5,000 sa susunod na linggo.
Dahil dito, umaasa ang OCTA na bababa pa ang naitatalang positivity rate sa bansa at babalik ito sa “pre-omicron” surge level pagdating ng Marso.
Nakapagtala ang Pilipinas ng mahigit walong libong bagong kaso ng COVID-19 sa bansa araw ng Linggo, Pebrero 6.
Batay sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH), nasa 8,361 ang bagong kaso na naghatid sa 3,609,568 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa.
126,227 naman ang aktibong kaso ng virus sa Pilipinas.
Habang nasa 3,428,815 na ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa COVID-19 matapos na madagdagan ng 18,431.
54,526 naman ang bilang ng mga namatay sa nasabing virus matapos na makapagtala ng 312 na panibagong mga nasawi.