COVID-19 CASES SA MUNTI PABABA NA

NAKAPAGTALA ng mabilis na pagbaba ng datos ng kaso ng COVID-19 ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa na sa kasalukuyan ay mayroon na lamang 180 aktibong kaso ng virus.

Base sa COVID-19 update mula Nobyembre 1 ay nakapagtala ng kabuuang 27,381 kumpirmadong kaso ang lungsod kung saan 26,629 ang mga naka-recover na habang 572 naman ang mga namatay sa virus.

Kung ikukumpara sa datos ng naitalang aktibong kaso noong Oktubre 1 na mayroong 988, makalipas ang isang buwan ay malaki ang ibinaba ng bilang ng aktibong kaso na nabawasan ng 908.

Sa buong buwan ng Oktubre, ang lungsod ay nakapagtala ng 1,111 bagong kaso ng COVID-19 simula noong Oktubre 1 na mayroong 26,240 hanggang Oktubre 31 na nakapagtala naman ng 127,351 kabuuang kaso ng virus sa lungsod.

Noong Setyembre 1 naman ay mayrooong naitalang 20,409 kaso ng virus at 26,190 ang naitalang kaso noong Setyembre 30 na sa buong buwan ng Setyembre ay mayroong kabuuang 5,781 bagong kaso ng COVID-19.

Kapuna-puna ang malaking pagtapyas ng bilang kung ikukumpara ang bilang ng bagong kaso noong Setyembre na 5,781 at Oktubre na mayroon namang 1,111 na nabawasan ng 4,670 kaso o katumbas ng 81 porsiyento.

Sa kasalukuyang bilang na 180 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod, ang Barangay Poblacion ang nakapagtala ng pinakamataas na bilang na may 37 kaso na sinundan ng Brgy. Putatan na mayroon namang 32; Brgy. Tunasan, 31; Brgy. Ayala-Alabang, 26; Brgy. Sucat at Brgy. Cupang na may tig-15 kaso; Brgy. Alabang, 12; Brgy. Bayanan, 11 habang isa lamang na kaso ang naitala sa Barangay Buli.

Sa kabila ng mabilis na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa lungsod, nanawagan sa pamahalaang lungsod sa publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa health at safety protocols na ipinapatupad sa lungsod kabilang ang tamamng pagsusuot ng face masks, pag-obserba sa social distancing att malimit na paghuhugas ng kamay.

Kasabay nito, hinimok din ang mga residente ng lungsod na magpaiskedyul sa kani-kanilang barangay para mapagkalooban ng bakuna bilang proteksyon sa magiging epekto ng COVID-19.
MARIVIC FERNANDEZ