COVID-19 CASES SA PASAY 23 NA LANG

PATULOY ang pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa Pasay matapos makapagtala na lamang ang lungsod ng 23 aktibong kaso ng virus.

Ang naitalang 23 kaso ng virus ay nagmula na lamang sa 19 sa kabuuang 201 barangay sa lungsod.

Base sa report ng Pasay City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), sa pangkalahatang bilang ay nakapagtala ang lungsod ng 28,726 kumpirmadong kaso ng COVID-19 kabilang na rito ang 28,121 na mga nakarecover o katumbas ng 97.89 porsiyentong recovery rate.

Umabot na rin sa 582 ang mga nasawi dahil sa virus na may katumbas na 2.03 porsiyentong death rate.

Sa naitalang 23 aktibong kaso ng COVID-19, lima rito ay mga bagong kaso na katumbas ng 0.08 porsiyento.

Gayundin, nasa 19 na barangay na nakapagtala ng aktibong kaso ng COVID-19 ay 4 na barangay ang mayroong tig-2 kaso na kinabibilangan ng mga Barangay 34, 153, 177 at 183 habang ang mga Barangay ng 20, 23, 54, 75, 145, 172, 174, 175, 184, 185, 187, 191, 195, 198 at 201 ay mayroon na lamang tig-1 kaso ng virus.

Samantala, sa pagpapatuloy ng programang “Vacc to the Future” ng lokal na pamahalaan ay nakapagturok na ng bakuna ang lungsod ng kabuuang 714,343 vaccine doses.

Ang nakapagtala ng may pinakamataas na bilang ng nagamit na bakuna ay napabiliang sa A4 category (economic group) na may 115,118 ng unang dose, 115,098 ang mga fully vaccinated at 26,121 indibidwal naman ang naturukan na ng kanilang booster shots.

Sinundan ito ng A3 category (senior citizens) nas may 7,386 indibidwal na nakapagpaturok ng unang dose, 71,974 na mga fully vaccinated habang 17,651 ang nabigyan ng booster shots.

Patuloy din ang panawagan sa mga residente sa kanilang pagpapabakuna pati na rin ang mga tsikiting at kabataan na nasa edad 5 hanggang 17 para na rin sa kanilang proteksyon laban sa COVID-19.

Handa na rin ang lokal na pamahalaan na tumanggap ng walk-ins sa SM MOA Activity Center sa mga tsikiting na nasa edad 5 hanggang 11 taong gulang at para naman tatanggap ng booster shots sa populayon ng mga nakatatanda ay maaaring magtungo sa SM MOA Giga vaccination site at sa Double Dragon Plaza. MARIVIC FERNANDEZ