INIULAT ng Department of Health (DOH) na umakyat na sa 406,337 ang kabuuang bilang ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases na naitala nila sa bansa.
Ito ay matapos makapagtala pa sila ng 1,650 na bagong kaso ng COVID-19 hanggang alas-4 ng hapon.
Batay sa case bulletin na inilabas ng DOH araw ng Sabado, nabatid na kabilang naman sa mga lalawigan at lungsod na nanguna sa listahan ng may pinakamataas na kaso ng virus infection ay ang Cavite na may 122 new cases, Davao City na may 113 new cases, Quezon City na may 84 new cases, Bulacan na may 81 new cases, at Maynila na may 78 new cases.
May naitala namang 194 na bagong gumaling sa COVID-19 ang DOH kaya’t umabot na sa 363,068 ang kabuuang bilang ng mga nakarekober mula sa virus.
Samantala, may 39 na bagong nasawi dahil sa virus kaya’t umabot na ngayon sa 7,791 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa bansa dahil sa COVID-19. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.