UMAASA ang Department of Health (DOH) na magpapatuloy pa ang pagbaba ng naitatala nilang mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito ang inihayag ni Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire ngayong wala na aniya silang nakikitang malalaking cluster ng mga kaso ng COVID-19.
“Makikita natin there is that decreasing trend in the number of cases and there is increasing availability of resources,” pahayag ni Vergeire, sa isang virtual press briefing.
“Yung clustering of cases nawala na po dito sa areas that were previously identified as hotspots,” aniya pa.
Sinabi ni Vergeire na ang transmission rate ng sakit sa bansa ay ‘less than 1’ na sa mga nakalipas na linggo at buwan, na nangangahulugan aniya na ang transmission rate ay bumagal na.
“Ang average number of cases is in a stable condition. Less than 2000 for the past week already,” ayon kay Vergeire.
Dagdag pa ni Vergeire, karamihan sa mga rehiyon sa bansa ay mayroong critical care utilization rate na nasa “safe zone” na at wala na ring nasa critical level o may occupancy na 85% o higit pa.
Sa kabila nito, muli ring nagpaalala si Vergeire sa publiko na hindi pa rin sila dapat na magpabaya o maging kampante at sa halip ay patuloy na maging vigilante para matiyak na hindi na muli pang kakalat ang virus.
Dapat rin aniyang patuloy na sundin ng mga mamamayan ang umiiral na health protocols, gaya ng pagsusuot ng face masks at face shields, pagkakaroon ng physical distancing at madalas na paghuhugas ng kamay, gamit ang sabon at tubig o ‘di kaya ay alcohol.
“Maganda ang indikasyon na ito when it comes to the situation of COVID-19 here in the Philippines. But ang lagi nating sinasabi this is not the time to be complacent,” dagdag pa ni Vergeire.
“Hopefully in the coming months mas bumaba pa ang mga kaso,” aniya pa.
Kaugnay nito, aminado naman ang DOH na posibleng magkaroon muli nang pagdagsa ng mga kaso ng sakit matapos na maraming mamamayan ang mapilitang manatili sa mga evacuation center dahil sa mga nakalipas na bagyo.
Tiniyak naman ni Vergeire na nagpakalat na sila ng safety officers sa mga evacuation area upang tiyaking naipapatupad ang mga health standards doon.
Namahagi na rin sila ng mga face mask at mga alcohol sa mga evacuee.
Hanggang nitong 4PM ng Nobyembre 16, 2020, pumalo na sa 407,838 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa aFilipinas, at sa naturang bilang, 374,329 ang gumaling habang 7,832 naman ang sinawimpalad na bawian ng buhay. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.