MAHIGIT na lamang 30,000 ang mga aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Batay sa case bulletin #605 na inilabas ng Department of Health (DOH), nabatid na nakapagtala ang kagawaran ng 1,409 mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas nitong Martes, Nobyembre 9.
Ayon sa DOH, mas mababa ito ng 678 kaso kumpara sa 2,087 na naitala nila noong Nobyembre 8.
Dahil naman sa mga bagong kaso ng sakit, umaabot na ngayon sa 2,806,694 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa naturang kabuuang bilang, 1.1% o 30,544 na lamang ang aktibong kaso o may potensiyal pang makahawa, kabilang dito ang 60.7% na nakararanas ng mild symptoms, 17.05 % na moderate cases, 10.0% na severe cases, 8.0% na asymptomatic o walang nararamdamang sintomas, at 4.2% na kritikal.
Mayroon ding 2,941 mga pasyente ang gumaling na sa karamdaman, kaya’t sa kabuuan, nasa 2,731,583 na ang total COVID-19 recoveries sa bansa o 97.3% ng total cases.
Nasa 46 pasyente naman ang namatay dulot ng COVID-19 kaya’t sa ngayon, nasa 44,567 na ang COVID-19 deaths sa bansa o 1.59% ng total cases. Ana Rosario Hernandez